Lunes, Setyembre 24, 2012

ANG TUNAY NA KAHARIAN NG PANGINOONG HESUKRISTO: ANG TUNAY NA KAHARIAN NG ANAK


PANGANGARAL NG EBANGHELYO
NG KAHARIAN SA LAHAT NG BANSA


Pangulong Tudling
Pasugo/June 1997
Pahina 13



Sa isang mahalagang pagtatagpo ng Panginoong Jesucristo at ng Kaniyang mga alagad na naganap sa Bundok ng mga Olibo na nakatala sa ebanghelyo ayon kay Mateo ay inihayag ng Panginoon sa mga apostol ang mga tanda ng panahon at ng wakas ng daigdig.  Kabilang sa mga tanda na Kaniyang ipinahayag na siyang magbabadya ng Kaniyang ikalawang pagparito at ng wakas ng mundo ay ang pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian sa lahat ng bansa.  Sinabi ng panginon:

     “At ipangangaral ang ebanghelyo ng kaharian sa buong sanlibutan bilang patotoo sa lahat ng bansa.  Kung magkagayon, darating na ang wakas.” (Mat. 24:14, New Pilipino Version)

Ang ebanghelyo ng kaharian na siyang mensahe ukol sa kaligtasan ay ipangangaral ng tunay na Iglesia sa buong mundo bago dumating ang araw ng kawakasan.  Malinaw na itinuturo ng Biblia na ang mga maliligtas sa pamamagitan ng Pagtubos ay inilipat sa Kaharian ng Anak.  Ayon kay Apostol Pablo:

     “Iniligtas niya tayo mula sa kapangyarihan ng kadiliman at dinala sa kaharian ng kanyang Anak na minamahal.  Sa pamamagitan niya, tayo’y tinubos at pinatawad sa ating mga kasalanan.”  (Col. 1:13-14, Ibid.)

     Ang apostol ding ito ang nagpatotoo na ang Iglesia ni Cristo ang siyang tinubos ng mahalagang dugo ng Panginoong Jesus (cf. Gawa 20:28, Lamsa).  Kaya, ang ebanghelyo ng kaharian o ang mensahe ukol sa kaligtasan ay ipangangaral ng Iglesia ni Cristo sa buong daigdig bago dumating ang dakilang araw ng pagparito ni Cristo.

     Sa kasalukuyan, saksi tayo sa pagpupunyagi ng Iglesia ni Cristo na ang gawaing ito ay maipalaganap sa iba’t ibang panig ng daigdig.  Mula nang pasimulan nito ang kaniyang misyon sa Malayong Kanluran noong 1968, bilang katuparan ng mga hula sa Banal na Kasulatan, ang Iglesia ay nagsikap nang maipangaral ang dalisay na ebanghelyo sa maraming bansa at lahi.  Ang malawakang pamamahayag ng mga salita ng Diyos ay patuloy nitong isinasagawa sa buong mundo.  Ang mga kapatid na nangibang-bayan ay nagsisikap sa bawat pagkakataon upang maibahagi ang tunay na pananampalataya sa mga taong kabilang sa iba’t ibang kultura.  Ang bunga ng kanilang mga pagsusumikap ay malinaw na makikita sa patuloy na pagdami at paglago ng mga lokal ng Iglesia ni Cristo sa buong daigdig.

     Kung ang kasalukuyang bilis ng gawaing pagpapalaganap ng Iglesia ni Cristo ay gagamiting batayan, ang misyon ng Iglesia na “maipangaral ang ebanghelyo ng kaharian sa buong sanlibutan” ay malapit nang matupad—at pagkatapos nito ay ang katapusan ng daigdig.

     Tunay nga, maraming dakilang kaganapan ang kamakailan lamang ay natupad sa kasaysayan ng Iglesia.  Noong Hulyo 22, 1994, ang Iglesia ni Cristo ay matagumpay na nakapagtatag ng lokal sa Roma, ang sentro ng Katolisismo, bilang sagisag ng paglaya ng tunay na Iglesia ni Cristo mula sa halos dalawampung siglo ng pagkatalikod sa pananampalataya.  Nakarating na rin ang banal na gawain sa Latin America sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos ng mga sambahayang Latino, pangunahin na ang mga Mehikano.  Habang nagpapatuloy ang mga kaganapang ito, ang Iglesia, bilang katuparan ng isa pang hula ng Biblia, ay nakabalik na sa dati nitong tahanansa Jerusalem—noong Marso 31, 1996 (cf. Isa 43:5, Magandang Balita Biblia; Isa. 52:7-8, Living Bilble).

     Sa taong ito, isa na namang hula ang nagkaroon ng katuparan.  Sa pamamagitan ng pagkakatatag ng lokal ng Iglesia sa Atenas noong Mayo 10, 1997, ang misyon ni Apostol Pablo na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Hentil ay maipagpapatuloy na sa mga wakas ng lupa (cf. Isa. 49:6; Gawa 13:46-47).  Hindi maglalaon at ang lahat ng kultura, bansa, at lahi ay makababatid sa Iglesia ni Cristo at bunga nito ay marami ang makatatanggap sa tunay na pananampalataya at makapagsasagawa ng tunay na pagsamba sa Dakilang Lumikha bago dumating ang wakas ng panahon.

     Mayroon pang mga bansa na hindi pa nararating ng Iglesia.  Subalit, sa tulong at patnubay ng Diyos, at sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya sa pakikipagtalastasan at mass media, ang mensahe ukol sa kaligtasan sa banding huli ay makararating din sa lahat ng sulok ng daigdig.  Samantalang nagaganap ang mga tanda ukol sa Iglesia ni Cristo sa mga huling araw na ito ay buong pagsisikap naman nitong ipangangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan.  Ito ay isa sa mga tanda ng kaniyang kaligtasang mabilis na dumarating.  Ang Panginoon ay nagbigay ng ganitong katiyakan:

     “Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.” (Lu. 21:28, MB) (Isinalin mula sa Ingles)*****

________________________________________________________________



‘AKO’Y GAGAWA, AT SINONG PIPIGIL?’


Pangulong Tudling
GOD’S MESSAGE – May 2012
Pahina 33-34



Ang paksa ukol sa kung paano maliligtas ang tao sa Araw ng Paghuhukom ay ang pinakamahalagang katanungang kinakaharap ng sangkatauhan sa bawat henerasyon, at lalo na ngayong ang mundo ay papalapit na sa kaniyang kawakasan.  Isa itong tanong na dapat ihanap ng tao ng tamang kasagutan; kung hindi ay tuluyan na siyang maliligaw, malalayo sa Diyos, at magdurusa sa dagat-dagatang apoy at asupre magpakailan-kailan man.

     Tunay ngang napakahalagang paksa ang nauukol sa kaligtasan.  Kaya naman, hindi lamang kamangmangan—manapa’y kahangalan—ang nakikita sa maraming tao sa kasalukuyan na inuubos ang buong panahon sa pagtatamo ng kayamanan, o sa pagbibigay-daan sa mga pita ng laman, samantalang ipinagwawalang-bahala ang ukol sa kaligtasan.  Walang sinumang tao na matino ang pag-iisip na pipiliin ang ilang taon—at kahit sabihin pang ilang dekada—ng pamumuhay sa karangyaan sa mundong ito, na ang kapalit naman ay walang hanggang pagdurusa at kahapisan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.  Gayunpaman, tila ganoon ang hinahangad ng marami kung ang pagbabatayan ay ang kanilang kondukta at paraan ng pamumuhay.

     Ang mga makamundong kalayawan ay buong sigasig na hinahangad ng marami, kapalit ang walang hanggang kapahamakan.  Hindi na nakapagtataka, kung gayon, kung bakit ang buhay ng tao ay batbat ng mga kahirapan, karamdaman, karahasan at madalas ay nagwawakas sa walang saysay na kamatayan, na dapat gumising sa tao mula sa kaniyang pagkakahimbing, at maunawa niyang wala sa kaniya ang pinakamahalaga, na dili iba’t ang Panginoong Diyos.  Ang taong walang Diyos ay nagpaplano sa kaniyang sarili, sinusunod ang kaniyang sariling payo, at nabubuhay ayon sa kaniyang sariling mga  tuntunin.

     Maraming tao ang isinasantabi muna ang kaligtasan dahil sila daw ay bata pa at marami pang mga maliligayang araw na nakaabang sa kanila.  Ang kabataan ay dagling kumukupas sa mga kalayawan at walang taros na pagsasaya; ang panggitnang yugto naman ng buhay ay nagugugol sa mga intindihin sa mundong ito at sa pang-araw-araw na pamumuhay; at ang katandaan ay biglang darating—kung ito man ay darating pa—saka nila matutuklasang ang kanilang puso ay tumigas na, ang mga nakasanayan ay naging pamalagian na, at ang budhi ay lubos nang nadumhan, kaya nawalan na ng puwang ang Diyos o ang Kaniyang mga kautusan.

     Subalit dapat ba itong mangyari?  Ang kasagutan sa tanong ukol sa kaligtasan ay nakapaloob sa mga salita ng Diyos na dapat tanggapin at sampalatayanan ng bawat kaluluwa.  Itinuro mismo ng Panginoong Jesucristo, na:  “Ito ang ipinagagawa sa inyo ng Diyos:  manalig kayo sa sinugo niya” (Juan 6:29, Magandang Balita Biblia).

     Manalig o sumampalataya sa sinugo Niya, alalaong baga’y, sa sugo ng Diyos.  Sa bawat yugto ng kasaysayan ng tao, ang Diyos ay nagpadala ng sugo, gaya ni Moises, ng mga propeta—Samuel, Daniel, Ezekiel, Jeremias—at ang pinakadakila sa lahat:  ang Panginoong Jesucristo mismo.  “Sa pamamagitan ng mga sugo, paulit-ulit silang pinadalhan ng salita ng PANGINOON … sapagkat nahahabag siya sa kanyang bayan…” (II Cron. 36:15, New Pilipino Version).  Ang nakakalungkot:  “Ngunit hinamak nila ang mga sugo ng Dios, itinakwil ang kanyang mga salita at pinagtawanan ang kanyang mga propeta hanggang sa ang poot ng PANGINOON ay mag-alab laban sa mga tao, at wala nang maaaring maging lunas”  (II Cron. 36:16, Ibid.).

     Ang sangkatauhan ay may nakahihiya at nakalulungkot na kasaysayan, gaya ng itinuturo ng Biblia, sa hindi pagtanggap at pagsunod sa mga sugo ng Diyos sa bawat panahon.  Subalit hindi maaaring baliwalain ng tao ang mga sugo ng Diyos sapagkat “sa kanila dapat sumangguni ang mga tao” tungkol sa mga kalooban ng Panginoon (Mal. 2:7, MB).  Ang makahulugang sagot ni Apostol Pablo  sa mga taong iba ang hinahanap na pakinggan ay maliwanag:  “At paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo?”  (Rom. 10:15, NPV).

     Ang pagiging sugo ng ating Panginoong Jesucristo, ng Kaniyang mga apostol, o ng mga propetang nauna sa kanila, ay hindi na pagtatalunan pa.  Subalit, paano kaya sa ating panahon?  Ipinahayag mismo ng Diyos ukol sa Kaniyang sugo sa mga huling araw na ito, na:  “Sinong gumawa at yumari, na tumawag ng mga sali’t saling lahi mula ng una?  Akong Panginoon, ang una, at kasama ng huli, ako nga” (Isa. 41:4).

     Yayamang di na pag-aalinlanganan na ang Diyos ay kasama ng Kaniyang mga sugo sa mga nakalipas na panahon, nangako Siya na Siya rin ang kasama ng huli, na lubos na sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na ang pangakong ito ay natupad kay Kapatid na Felix Y. Manalo.  Bagama’t siya ay binalewala sa pagsisimula ng kaniyang ministeryo, ang panukala ng Diyos ukol sa kaniya ay ipinahayag ng nasabi ring propeta:  “Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyan, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil;  Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo; huwag kang manglupaypay, sapagka’t ako’y iyong Dios; aking palalakasin ka; oo, aking tutulungan ka; oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran” (Isa. 41:9-10).

     Ang nasabing salita ng hula ay nagsasaysay hindi lamang ng kahalalan ng Sugo sa mga huling araw, kundi maging ng pangakong tulong, lakas, at pag-alalay ng Diyos sa pamamagitan ng kanang kamay ng Kaniyang katuwiran.  Kinasangkapan siya ng Diyos upang ang mga tao sa mga huling araw na ito ay magkaroon ng pagkakataong makipagkasundo sa Kaniya at magtamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.  Sa tuwi-tuwina ay magiliw nating gunitain ang walang humpay na pagsusumakit ng Sugo upang maiangat ang buhay-espirituwal ng bawat kaanib ng Iglesia at ang kaniyang buong pusong pagtatalaga sa tungkuling itiniwala sa kaniya ng Diyos, hanggang sa mga huling sandali ng kaniyang buhay.

     Bawat kaanib sa Iglesia ni Cristo ay dapat magpagal nang buong sikap upang ganap na pakinabangan ang biyayang kaligtasan na bunga ng pagtuturo ng Sugo.  Magagawa niya ito sa pamamagitan ng pagsunod sa ipinayo ni Apostol Pablo, na isinugo naman noon sa mga Hentil, na:  “Ngayon mga kapatid, ipinaaalala ko sa inyo ang ebanghelyong ipinangaral ko sa inyo, na inyong tinanggap at pinanatilihan hanggang ngayon.  Sa pamamagitan nito’y ligtas kayo kung matatag kayong nananatili sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na lang kung sumampalataya kayo ng walang kabuluhan” (I Cor. 15:1-2, NVP).

     Ang paglalarawan sa Iglesia Ni Cristo batay sa paningin ng mga di-kaanib at maging ng mga manunulat-kasaysayan ay makahihikayat sa mga nagmamasid na tinupad ng Diyos ang Kaniyang pangakong pagtulong at pagpapalakas sa Kaniyang Sugo sa mga huling araw at sa gawaing kaniyang sinimulan.  Tungkol sa Sugo ng Diyos sa mga huling araw, ang namayapa nang si Kapatid na Felix Manalo, sinabi ni Prof. Robert R. Reed, sa isang nailathalang pag-aaral sa Journal of the Humanities and Social Sciences of Southeast Asia and Oceana (2001), na:  “Hindi kalabisang sabihin na ang kaniyang pananaw, pagtuturo, at pamamaraan sa pangangasiwa ay patuloy na naging walang-kupas na batayan upang maging gabay sa doktrina ng masugid niyang mga tagasunod at para rin sa pangmahabang-panahong mga planong para sa ikauunlad ng Iglesia na binuo ng mga lider ng INC” (p. 565, isinalin mula sa Ingles).  Ang pahayag na ito ay kasang-ayon ng isang naunang pahayag:  “Hangang-hanga sa  mga tagumpay ng INC (Iglesia ni Cristo), nagpahayag ng komentaryo si Senador Neptali Gonzales, isang haligi ng Protestante, ‘Ang tagumpay ng gawaing ito na kinasihan ng Diyos na pinasimulan (ni Kapatid na Manalo) noong 1914, ay maliwanag na kitang-kita sa kahanga-hangang paglaki ng Iglesia dito at sa ibayong dagat.  Ang malalaking kapilya nito na nangingibabaw sa ating mga tanawin ay walang kapantay sa kanilang karingalan’” (Isabelo T. Crisostomo, ‘From One-Man Mission to Global Church,’ Philippine Graphic, July 29, 1994, p. 16, isinalin mula sa Ingles).

     Tungkol sa tagumpay ng Iglesia sa larangan ng pagpapalaganap at sa paglago ng bilang ng kaniyang mga kaanib, ganito ang pansin ng isang tagamasid:  “Lubhang maliit ang kabatiran sa Iglesia ni Cristo, isang makapangyarihan at mabilis na lumalaganap na iglesia…

     “Sa maraming mga taon na ngayon, ang mga teologo at mga kritiko ay nagtangkang may pagpupumilit na mabuksan ‘ang sekreto’ na nagbunsod sa Iglesia ni Cristo sa gayong pambihirang paglaki.  Bakit ang mga tao ay naaakit dito?  Bakit ito lumalaki ng napakabilis?  Ang mga katedral at mga kapilya nito ay naging mga kahanga-hangang palatandaan sa lahat ng mga lalawigan, siyudad at mga bayan.  At maging sa ibayong dagat, ang Iglesia (ni Cristo) ay may matibay na nakatatag na mga kongregasyon sa may 65 mga bansa sa buong mundo.

     “Ang lahat ng ito naabot sa maikling panahon lamang, 78 taon mula nang ang Iglesia (ni Cristo) ay lumitaw sa Pilipinas noong 1914” (Robert C. Villanueva, ‘The Untold Story of the Iglesia ni Cristo’, Philippine Panorama May 31, 1992, pp.4, 6, isinalin mula sa Ingles).

     Sa kasalukuyang kalagayan ng kaniyang kilusang pagpapalaganap, ang Iglesia ni Cristo sa mga huling araw na ito, ay may mga kongregasyon, extension at group worship service sa 99 na mga bansa at teritoryo sa buong mundo, sa labas ng Pilipinas.

     Ang malalaking institusyon, ang mga paring Katoliko, pastor Protestante, at mga tagapangaral ng iba’t-ibang relihiyon at pananampalataya ay nagtangkang pigilin ang paglaganap at pagtatagumpay ng Iglesia ni Cristo, subalit pawang nangabigo.  Ito ay sa dahilang tapat ang Diyos sa Kaniyang pangako, na nagsabing “Ako’y gagawa, at sinong pipigil?” (Isa. 43:13). *****



-       RICHARD J. RODAS

Editor-in-Chief



______________________________________________
Basahin din:
[The Fulfillment of Bible Prophecies]
[The Church Of Christ Today In Bible Prophecies]
[Identifying The True Religion Or The True Church]



Bisitahin:
[Study Iglesia Ni Cristo]
______________________________________________________________________________________
Malugod po namin kayong inaanyayahan sa mga pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Lumikha.
Kung mayroon po kayong mga katanungan ukol sa mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo, maaari po kayong magtungo sa kapilya o bahay-sambahan na malapit sa inyo at makipag-ugnayan po kayo sa ministrong nakadestino rito.  Nagagalak po silang kayo'y paglingkuran.  Sa Diyos po ang lahat ng kapurihan!
___________________________________________________________________________